Sunday, July 18, 2010

ANUA (ang nagbigay-unawang artikulo)

“KABATAAN ANG PAG-ASA NG INANG BAYAN,” ilan lamang yan sa mga katagang tumatak sa puso’t isipan natin, mga katagang nagpapahiwatig at nagpapakita ng pag-asang umahon ng ating bansa sa pagkakalugmok ngunit ang pag-asang ito ay tila kandilang unti-unting nauupos.
EDUKASYON ANG SOLUSYON. Marami ng nakapagsabi at nakapagpatunay na edukasyon talaga ang pinaka-epektibong sandata laban sa mga kinasasadlakan nating mga problema o mga hadlang tungo sa ating kaunlaran. Napakahalaga ng edukasyon. Sa bawat pagpatak ng oras at sa pagtagaktak ng pawis na iyong ginugugol sa pag-aaral ay maaari o siguradong magbubunga ng mga makabuluhang mga bagay sa hinaharap o maaari nitong baguhin ang bawat kamalian sa ating bansa.
Marami na sa atin ang tumahak,tinatahak at nagbabalak tahakin ang maling landas. Ang landas ng kadiliman at karimlan. Maparoon man o maparito napakarami ng kabataan ang sumasabay sa uso, ang paninigarilyo. Di magkamayaw sa paghithit akala mo kung sinong may flashlight sa kani-kanilang mga bibig, marami na ring hindi na ginustong ipagpatuloy ang pag-aaral at naging tambay na lamang at kundi nagbibilang ng poste sa kalsada ay marahil nagbibilang ng taong dadaan sa harapan niya, mayroon ding binabarkada ang DOTA na handang lumiban sa klase mapunan lamang ang kasiyahan, marami-rami na rin ang nagsisali sa mga fraternities upang mabigyang proteksyon sa mga taong walang ibang alam gawin kundi ang mambuli ng kapwa niya. Lahat marahil ng mali sa tingin ninyo ay tama. Hindi ko na siguro maitutuwid ang kabaluktutang ‘yan ngunit sana balang araw mapagtanto ninyo na NAGKAMALI KAYO! “Ang mga tunay na kaibigan ay hindi sa dami ng gulo na pinagsamahan kundi ‘yong alam kang iligtas sa mali at imulat sa tamang gawi.”
Kapwa ko kabataan na ngayon ay nagbabasa,nakabasa na o napilitang bumasa sa ‘king munting likha, sana imulat natin ang ating mga mata at buksan ang ating mga puso sa katotohanan. Sana pahalagahan natin ang pag-aaral. Isipin natin ang mga nagkakandakubang magulang natin na walang ibang inatupag kundi ang igapang ang pagpapa-aral natin.
Uulitin ko, EDUKASYON ANG SOLUSYON. Ibuhos ang oras sa pag-aaral ng mabuti. Pangarap nating magkaroon ng maunlad na bansa at maaliwalas na buhay, sa tulong ng edukasyon isang hakbang na lamang ay abot-kamay na ang realidad. Nakapatong sa ‘ting mga balikat ang responsibilidad upang pangalagaan ang ating lipunang kinabibilangan. Umpisahan na natin ang pagbabago. Kumilos na tayo. Huwag na nating ipagpabukas, ngayon na mismo!

No comments:

Post a Comment